Review: Finding Dory, o Iba Pang mga Pwedeng Title ng Pelikulang Ito
"Ako naman bida ngayon, ha." |
Noong nakaraang taon, dalawang pelikula ang nilabas ng Pixar (Inside Out at The Good Dinosaur). Next year, dalawa rin ang ilalabas nila. Ngayong 2016, isa lang ang pelikula nila, at ito ang Finding Dory.
Ang Finding Dory ay sequel ng pelikulang Finding Nemo na nilabas ng Pixar noong 2003. Actually, maaring title sana ng pelikulang 'to ay Finding Nemo 2, dahil obviously, part 2 ito ng Finding Nemo. At saka sa pelikulang ito, hindi lang naman si Dory (Ellen DeGeneres) ang nawawala; narito muli ang cute na si Nemo at ang kanyang worrywart na tatay na si Marlin (Albert Brooks). Sa simula, magkakasama silang tatlo. Tapos maya-maya, nahiwalay sa mag-ama si Dory, so nagsimula silang hanapin siya. Pero 'di nila alam, hinahanap din pala sila ni Dory. So basically, naghahanapan silang lahat.
Maari ring pamagat ng pelikulang ito ay Finding Dory's Parents, kasi ang dahilan naman kung bakit sila nagkahiwa-hiwalay ay dahil hinahanap ni Dory ang kanyang magulang, at hindi sila nagkasundo sa method ng paghahanap. Teka, baka iniisip niyo siguro, bakit naaalala ni Dory ang kanyang magulang? Akala ko ba may short-term memory loss siya? Well, si Dory na kasi ang bida rito. Hindi na siya background character lang. At dahil bida na siya, mas fleshed out ang kanyang kuwento. At siyempre, ang magulang natin ay bahagi ng ating childhood memories, na malamang ay nag-seep in na sa kanyang long-term memory bank. And of course, kailangan ng protagonist ng isang magandang conflict, at ang character na wala nang ibang naalala sa buhay niya ay walang conflict na maibibigay na hindi boring panoorin nang dalawang oras.
"Tilapia ba ako?" |
Tulad ng unang pelikula, ang Finding Dory ay mayroon ding paglalakbay, at sa tulong ng cool surfer na pagong, napunta sila sa California sa Marine Life Institute, kung saan ang boses sa PA system ay si Sigourney Weaver (as herself). On the way, may mga na-meet silang mga bagong kaibigan, tulad ng mga petiks na sea lions na sina Fluke at Rudder (Idris Elba at Dominic West, a.k.a. Stringer Bell at Jimmy McNulty ng The Wire), ang baliw na ibon na si Becky, ang near-sighted na whale shark na si Destiny (Kaitlin Olson) na pipe-pal pala dati ni Dory noong bata (ang pipe-pal ay parang phone pal para sa mga fish in captivity), ang beluga whale na si Bailey (Ty Burrell), at ang adorable octopus (septopus?) na si Hank (Ed O'Neill), na hindi ko alam kung saan natuto mag-drive ng truck.
"Alis! Hindi ka naman lumabas sa The Wire!" |
May dahilan kung bakit ang pamagat nito ay Finding Dory at hindi ang mga pamagat na binanggit ko kanina. Hindi lang ito tumutukoy sa physical search sa nawawalang Dory. Tumutukoy din ito sa paghahanap ni Dory sa kanyang sarili. Sa paghahanap ni Dory sa kanyang magulang, hinahanap din niya ang kanyang katauhan, ang kanyang pinanggalingan, at ang kanyang identity. In English, the movie is about Dory finding herself. At sa bandang huli, tagumpay naman ang kanyang paghahanap. Siya si Dory, anak nina Charlie at Jenny, best friend nina Nemo at Marlin, at isang isdang may short-term memory loss.
Finding Dory. USA. 2016.
Original rating: 7.5/10
Sonar powers ni Bailey: +0.1
Mas maraming man-made backdrops kaysa sa ocean vistas: -0.1
Camouflage powers ni Hank: +0.1
Final rating: 7.6/10
0 comments :
Post a Comment